pinagpala ang taong marunong tumanaw,
sa Diyos na dakilang may likha ng araw,
mga talang nagniningning sa lalim ng gabi,
nagsi-sulputan nang si Yahweh ang nagsabi!
ang pagtangkad ng bundok at paglago ng gubat,
pagdami ng hayop sa lupa at dagat,
ang paghuni ng hangin sa dalampasigan,
ay obra ng isang Maestrong makapangyarihan!
Sa bawat paghinga ay di dapat makalimutan
ang biyaya ng Diyos na laging nararamdaman
sa buhay ng isang mananampalataya,
kahit nga sa taong tinalikdan Siya!
huwag ipagmalaki kung ano man ang narating,
huwag ipagpilitan ang angking galing,
dahil ang lahat ng iyong tagumpay,
ay akda ng Diyos para sa iyong buhay!
manalangin nang mabuti bago mamahinga,
ipagpasalamat ang mga natamong biyaya,
huwag ipagkait sa Diyos ang papuri
"Salamat" na nga lang hindi pa masabi?
ika nga ni Pepe, sa isda'y masahol pa,
kapag tayo'y tumalikod sa sariling wika!
paano kung Diyos na ang ating tinalikuran?
meron pa kaya tayong puwedeng hantungan?
Mga kapwa kong mananampalataya...
huwag tayong mamuhay ng pariwara!
Ipagsigawan natin ang pagibig ng Diyos
at hindi ang pagibig ng mundong laging kapos.

No comments:
Post a Comment